Rejected;Factory Defect

Image

Parang ambilis, pero parang ang daming nangyari. Eto nanaman ako, sumusulat para sa 2nd anniversary ng blog ko dito sa wordpress. Sa pagitan nung 1st at ngayong pangalawa na, parang ang daming nangyari. Nakakatawang tapos nung 1st anniversary post ko ay napaka tagal ko bago nakapag sulat ulit. Tapos bago magtapos sa ikalawang taon, bumawi naman ako sa dami ng naisulat na parang araw araw na ata nagsulat ako. Partida meron pa ‘kong mga assignment na hindi nagagawa at meron pa ‘kong mga nagawa nang hindi pa naipupublish.

Sa pagitan ng isang taong yun, naka lipat na ‘ko ng dalawang trabaho. Maraming nagbago sa mundong ginagalawan ko, mula sa bahay, sa simbahan, sa trabaho, sa personal na buhay at sa mga paniniwala. Para bang niyanig yung mundo ko noong nakalipas na taon. Pero ang hindi nabago? Yung pagmamahal ko sa pagsusulat.

Malikot talaga ang isip ko, at lagi akong nag o-observe. Sumasaya ‘ko at gumagaan ang pakiramdam kapag nakakapagsulat ako. Kahit walang magbasa, kahit sa diary ko lang, ok na! Bonus nalang nung nalaman kong may mga sumusubaybay (weh?) sa mga sinusulat ko. Na meron palang mga nakakakilala sa’kin dahil dito sa mayumi na hindi ko naman kilala. Na may mga estudyante palang natutuwa at naniniwala sa mga kalokohan na pinagsasasabi ko dito. Ako naman, magawa ko lang yung gusto ko ng libre, ok na! Nasabi ko na yata dati na ayaw ko ng pagsikat dahil kasunod no’n ay pambababae este pagkalaos.

Marami na ‘kong rejections na natanggap dahil sa pagsusulat. Sa nanay ko palang eh, sumama pala yung loob n’ya ng mabasa n’ya yung sinulat ko dati noong college tungkol sa pagiging unfair ng matatanda. Wahahaha. Pinaglalaban ko lang naman sana dun na hindi naman lahat ng matatanda ay tama. Dapat matuto din silang makinig at huwag magpowertrip na porket nasabi na nila, yun na ang batas at yun na ang tama.

Associate Editor ako dati, at apat na buwang nagtraining para lumaban sa editorial writing. Ayos, 2 days bago ang regional contest, sinabi ng Head namin na sa feature writing daw ako lalaban. Wala nga ‘kong kaalam alam dun, never pa ‘kong nagkapag sulat ng gano’n. Hindi ata trip ng Head namin yung mga sulat ko tungkol kay Erap. Pro Gloria ata. Naawa ako sa sarili ko dahil lalaban akong walang kaalam alam at magmumukha ‘kong ipis na ilalaban sa mga paroparo pero mas naawa ako dun sa feature writer namin na apat na buwan nag sanay, asang asa na siguro, pati mga magulang, nakapamili na siguro ng gamit, nakapag panalangin ng todo, todo, napuyat ng ilang gabi, tapos 2 days before ng contest biglang tatanggalin. Araaaaayyyyyy. Kumag na sistema talaga, basta hindi ko sinasabi dito na sipsip yung nanay nung isa naming kasama sa org kaya biglang s’ya yung inilaban ha at ibinaba ako sa feature writing tapos kaya naitapon yung feature writer talaga namin. Wala ‘kong sinasabing gano’n. Ayon, sa ending, lahat kami talo.

Journalist ako noong highschool sa English Newspaper namin. Doon ko nakitang ireject ang mga gawa ko ng hindi manlang binabasa. Totoo ata yung sinasabi nilang may galit daw sa mga gwapo yung teacher namin dati eh. Napagbuntongan ako. Napapailing nalang ako hanggang ngayon kada maaalala ko na yung pinasa ng mga “magagaling” kong kasama sa ORG ang naipublish. Mga kwentong nabasa ko na sa google, pinalitan lang ang settings, pinalitan lang ang pangalan ng mga tauhan, instant——- sila na ang author. Nkakaiyak na pinapayagan ng TEACHER namin ang gano’ng krimen. Samantalang ako nagcut lang ng klase ng tatlong buwan, di na n’ya napatawad. Nawalan na ‘ko ng ganang sumali sa kung saan saang grupo na may kinalaman sa journalism buhat no’n. Baka takot na ‘kong mareject ulit, baka kasi masyado ng ngawit yung batok ko para umiling nanaman sa gano’ng klaseng sistema.

Alam na alam na alam kong malayong malayong malayo ako sa pagiging magaling. At wala rin akong balak makipagkompitensya sa kahit na sino. Ang totoo nga, iilan lang sa mga nakakakilala sa’kin ang nakakaalam na nagsusulat ako. Ewan ko sa iba, pero may kakaibang high ang dating sa’kin kada magba-blog ako. Para bang constipated ka ng ilang lingo tapos ayun, nairaos mo na. Successful! Nagbago na ang pananaw ko sa pagsulat. Bagay ‘to na gusto kong gawin ng libre, walang nagdidikta, walang pressure. Walang halong chismis, walang halong intriga, wala ‘kong kwenta.

Susulat pa ba ‘ko? Oo,sana mas dumalas, sana mas may kabuluhan, sana… sana… sana ngayon pasko ay maalala mo parin ako, hinahanap hanap pag-ibig mo

Kulang ang Oras ng Isang Araw

Ang dami kong assignments ditong isulat kaso katulad nung nag-aaral pa ‘ko, hindi ata talaga sanay ang sistema kong gumawa ng assignment. Medyo nalungkot ako kasi yung isang blogger na sinusubaybayan ko, sabi n’ya baka hindi na daw s’ya magpost ng blog. Mas sanay daw kasi s’yang sa papel lang nagsusulat. Yung pang sarili n’ya lang. Sayang naman.

Ang hirap talagang magsulat narealize ko. Lalo na sa katulad kong tamad. Tapos ang dami pang nakakaabala. Yung pagpunta sa gym kada umaga (oo, naggygym ako, pero hindi ako nagpapalaki ng katawan. Hindi na kaya kaylngan, ang macho ko na kaya, katawang katakamtakam, namnamanm)waahahaha!! Tsaka cute kasi yung cashier dun eh. Tsaka friendly kasi yung mga gym buddy ko dun, ang babait, accommodating, nung first days ko nga dun niyaya na nila ‘ko kagad na sumabay sa kanila magshower, tsaka tinutulungan pa nila ko mag scrub ng likod ko pag di ko abot. Ang babait nila noh?

Naging istorbo rin sa’kin yun bago ‘kong biling camera. Aral aral kunwari, feeling magaling. Ewan ko ba, sa dami dami ng pwedeng pagpractice-an bakit ipis ang napagtripan ko. Sakto sa Macro yung mga mata nila, kaso moving target, kaya kaylangan ko muna silang gawing paralitiko. Nahihirapan magfocus yung camera dahil galaw ng galaw yung camera shy na ipis na yun kaya napilitan akong putulin muna yung pakpak n’ya at tanggalin ang mga paa. Binalik ko din naman after.

Nagpunta rin ako sa PUP nung isang araw, para bumili ng mga gawa nilang kalokohan este t-shirt.. P350 yung gusto kong design buti nalang at pagdating ko dun ubos na. Muntik ko ng masira ang prinsipyo kong dapat hindi lalampas sa P300 ang mga t-shirt ko. Yun na nga lang natitira kong prinsipyo muntikan ko pang pakawalan. Hohoho! Ayun nakabili ako nung P200 at P180. Astig, walang nagandahan sa kahit na sinong pinagyabangan ko nung mga t-shirt na binili ko. Wala ‘kong pake, Gano’n talaga, yung hindi bagay sa inyo, bagay sa’kin. Ganito talaga kaming… ehem trendsetter, mga modelo. Witwiw!

Pinaka malaking istorbo sa pagsusulat ko ay ang trabaho. Lalo na kung boss mo yung boss ko. Sa kabila ng magandang pagmumukha ay may ugali s’yang katulad ng sa kapatid ni Taguro. Lagi kaming nagpapang-abot ng digmaan kapag nag-uusap kami kaya minabuti na naming hindi nalang magpansinan. Ang sarap tuloy ng buhay ko. Kaso etong mga nag-daang araw, feeling close na s’ya bigla, kausap ng kausap na, nangangamusta, nagjojoke na sa’kin kahit hindi ako tumatawa at nagbabait baitan. Akala ata n’ya bati na namin s’ya? Kinilig ata nung nag-iwan ako ng note sa station n’ya “I wasn’t able to log in blah blah blah blah……. Have a great weekend. SMILE”. Sarcastic ako nung sinulat ko yun, di n’ya ata nagets, sabaw version 3.0!

Image

Marami nga ‘kong nagagawa pero hindi ko naman magawa yung mga bagay na mas gusto ko. Halos hindi na ‘ko makahawak ng gitara, kakaaral ng organ (hindi organ ng tao). Hindi na makapagsulat sa dami ng pinagkakaabalahan ko. Hindi makatambay kasama ng mga kaibigan, dahil kaylangang matulog para may lakas kinabukasan. At… At Hindi ko s’ya makasama ng madalas, hindi makakwentuhan, hindi makakulitan, hindi matabihan. Haaaay.. Bakit ba parang laging kulang ng oras ang isang araw?

 

-24 April 2013

At Bakit Ikaw PARIN

Maagang dumilat, madilim pa sa labas
Ayaw pang bumangon pero and diwa’y gising
Binibisita ng kahapon – ng alaala ng lumipas
Laging nando’n ka’t tila naglalambing

‘sing bagal ng makapal na hangin ang bawat araw
Kung may hinihintay ba sa bukas ay hindi ko sigurado
Nasa’n na ba yung tayo? Wala parin kahit sa malayong tanaw
May aasahan pa nga ba, sa kwento nating kumplikado?

Ang paglimot ay parang tali ng nakawalang lobo
Hinahabol, parang ang daling hulihin ngunit hindi
Nang masira ang pangarap, hinaharap at mga pangako
Madali sana ang pagtalikod pero bakit parang mali?

Nabalot ng galit ang mga buwang tila hindi dumaan
Pagbukas ko sa pintuan nando’n ka parin at nag-aantay
Gusto ko sanang lampasan ka at tuluyan ng kalimutan
Kung hindi lamang muling napawi ng ngiti mo ang lumbay

Huminto ang oras,oo huminto ng sapat
Hindi kulang para maisip kong mali ang ika’y limutin
Pagpapatawad at pagmamahal ngayon sa’yo ay tapat
Pwede bang tanggapin na dito ka nalang ulit sa’kin?

Nasaan Na Ba Si Bulate

Carlito ang totoo n’yang pangalan. Katropa ko ‘yan, di ko alam kung tinuturing n’ya din akong katropa. Hindi ko alam kung may lihim at tinatanim s’yang galit sa’kin. Bakit? Kasi ako ang nagpasimula na tawagin s’yang bulate nung college palang kami. Mga unang linggo palang yun ng pasukan, mga first year. Nakita ko s’yang pawis na pawis at parang may tinatanaw sa harapang upuan n’ya, ayun instant— s’ya na si bulate. Dahil hindi pa magkakakilala ang lahat, tumanim kaagad sa karamihan ang tawag ko sa kanya, at nakakatawang isipin, meron saming mga magkakaklase na hanggang graduation hindi matandaan na carl nga pala ang pangalan ni Bulate. Ang sama ko ata. Ewan ko ba, hindi ko naman gustong mang-asar kaso kasi may kaabnormalan ako na kapag nakakakita ko ng tao, may nag-aassociate na bagay, hayop o kung ano pa sa utak ko sa kanila. Halimbawa may mga taong ang pagregister sa utak ko ay paniki, lapis, anghit, adobo, kalamansi, eroplano, pandesal, hinlalato, power ranger, panungkit ng damit,siomai na walang sauce, murder at kung ano ano pa. Oo, gano’n karandom.

Hindi n’ya siguro alam pero may pagkatao si Bulate na talagang hinahangaan ko. Isa s’yang taong walang pakelam. Para s’yang walang emosyon, hindi nakikisabay sa kung ano ang ginagawa ng karamihan. May sarili s’yang pamantayan, may sarili s’yang source ng kasiyahan. Binagsak s’ya ng prof namin dahil nahuli lang s’ya ng isang araw ng pagpasok? Wala s’yang pakelam! Higit dalawang oras s’yang bumyahe at pagdating lang n’ya sa school napansin na hindi pantay yung pagkakabotones ng polo n’ya, wala padin s’yang pakelam! Iwas sa kanya yung mga kaklase namin, wafakels s’ya. Nakipagtalo s’ya sa manong driver dahil ayaw ibigay yung student discount n’ya na piso, matagal na pagtatalo, napapahiya na s’ya sa mga tao, wala padin s’yang pakelam. Madalas ko s’yang nakausap, at sa pakiwari ko, parang wala na s’yang emosyon, parang hindi na s’ya nasasaktan, mangyari na ang mangyari, makakaya n’yang harapin, dahil nga WALA S’YANG PAKELAM.

Kung halimaw ako, parang ang sarap n’yang kainin. Kung ako si android 20, parang ang sarap n’yang higupin. Parang ang sarap makipag fushion sa kanya. Maraming nangyayari sa buhay natin na masasabi nating sana hindi nalang nangyari. May mga bagay na hanggat maaari sana hindi mo nalang kinaylangang danasin (katulad ng pagpapatuli). May mga sakit na para bang hindi na natin kaya pang pigilan, may mga emosyon na para bang hindi na natin kayang itago, kusa ng sumasasabog, malakas.. masaklap, MABAHO?. Minsan may mga problemang hinahabol tayo hanggang sa pagtulog, hanggang sa panaghinip. Labo naman oh, pagpikit na nga lang ang huling solusyon, dehins padin umuubra. At sa mga ganitong panahon,naiisip ko sana wala nalang akong pakelam. Sana kaya kong mag-evolve sa pagiging BULATE, kahit sandali lang.

Madalas akong maaga pumasok at doon kami magkatulad ni Carlito. Dahil do’n marami kaming oras na nakapag usap. Nagkwekwento ako, nakikinig naman s’ya. Nagkwekwento s’ya nagtetext ako. hehe!
Minsan napakwento s’ya. Hindi naman daw s’ya dating gano’n. Nagsimula nalang daw yun nung niloko s’ya ng babaeng minamahal n’ya ng sobra. Nagsimula na s’yang magkabisyo, nagsimula na s’yang maging gano’n. Napatigil akong magtext, nakita ko s’yang nakatingin sa kawalan, napaisip ako, nag echo ang malakas na tanong sa isip ko. Ilang tao na ba ang nagkaganito dahil sa mga relasyong hinaluan ng kalokohan? Habang ang nanloko ay masaya at nagpapatuloy sa buhay, meron namang naiiwan ng walang direksyon, nalulugmok, nawalan ng halaga. Tumahimik ako ,tumahimik s’ya.

Bigla nalang nawala ang kaibigan ko mga bandang 3rd year pero bumalik din makalipas ang isang taon. Soooobarang payat, nagkargador daw s’ya sa Pier, lumayas daw s’ya sa pamilya n’ya. Ewan ko kung kwento lang n’ya o totoo. Tapos ilang buwan lang nawala nanaman. Yun na ang huling araw na nakita ko s’ya. Hindi ko s’ya nakasabay mag marcha sa graduation. Nasa’n na kaya s’ya? Wala parin kaya s’yang pakelam

 Image

Kung Tayo, Tayo Talaga. Weeeh? Di Nga?

Totoo ba ‘yan? Totoo ba na tayo’y tinatangay lang ng polluted na hangin ng mundo pabalik sa isa’t isa? Totoo bang kung sino ang naka tadhana sa’yo, mapapasayo kahit saktan mo s’ya? Kahit ipagpalit mo s’ya? Kahit kalimutan mo pa?

Madalas kong naririnig ang rason na ‘yan. At oo lumabas na rin ‘yan mula sa kissable kong labi minsan. Pero habang nakatunganga ako sa office pagkatapos kumain ng Nova at ma-over break ng sadya, bigla akong napaisip kung totoo nga bang kung KAYO, KAYO TALAGA.

-Kaylangan ko munang hanapin ang sarili ko.
-Kaylangan ako ng pamilya ko.
-Nasasakal na’ ko.
-Parang hindi pa tayo handa sa relasyon.
-Hindi na kita maramdaman.
-Hindi na ‘ko sigurado sa nararamdaman ko sa’yo.
-Hindi ko matanggihan yung offer sa ibang bansa.
-Hindi ata tayo magandang magkasama.
-Sobrang na ‘kong nasasaktan.
-Sobra na kitang nasasaktan.
-Kaylangan ko ng panahon para makalimot sa nagawa mong kasalanan sa’kin.
-Aantayin kong mawala ang galit mo at mapatawad mo ‘ko.

BOOOM!

Yung mga sentence sa taas, siguradong dinudugtungan ng “Hiwalay na MUNA tayo” at ang pampalubag loob na “Kung tayo, tayo talaga”

Wow ha. Panalo yung word na MUNA. MUNA, MUNA, MUNA, MUNA, MUNA. Ang relasyon pala ay parang video game na pwede namang ipause saglit o kahit matagal.Parang pantalong maong na pwedeng isabit muna. Parang pagkain na pwedeng ilagay sa ref, kung hindi s’ya mapapanis sa loob ng isang buwan? dalawang buwan? tatlong taon? sampung taon? kakainin mo pa, pero kung panis na, itatapon mo nalang,ipapamigay sa ipis, sa daga, sa pusa.

Kawawa yung nag-iintay, malamig, napakalungkot, nakakatigas ng puso ang mag-antay sa loob ng ref ng matagal na panahon. Mapapanis s’ya, malilimot ng panahon, mapag-iiwanan ng lahat, makukulong sa kahapon, makukulong sa kakaaasang babalik ka, kung kayo nga talaga. kaso… kaso… totoo nga ba talaga tayo sa mga sarili natin kapag sinasabi nating, KUNG TAYO, TAYO TALAGA?

Baka naman ang ibig sabihin talaga natin kapag tinatapos natin ang relasyon ay-

-kaylangan ko munang hanapin ang sarili ko…. sa piling ng iba
-Kaylangan ako ng pamilya ko…. na bubuuin ko kung saan ako ang ama at hindi ikaw ang ina/kung saan ako ang ina at hindi ikaw ang ama.
-Nasasakal na’ ko…..Bantay ka ng bantay, hindi tuloy ako makascore sa iba.
-Parang hindi pa AKO handa sa relasyon. 
-Hindi na kita maramdaman…… (Napagsawaan na kita)
-Hindi na ‘ko sigurado sa nararamdaman ko sa’yo…….. At kahit kelan naman hindi talaga ‘ko naging sigurado
-Hindi ko matanggihan yung offer sa ibang…….. kwarto.
-Hindi ata tayo magandang magkasama…. mas feel ko yung ex ko, kinukulit n’ya ko ngayon so, s’ya nalang ulit. bye! Pag boring dun balik ako, text nalang kita.
-Sobrang na ‘kong nasasaktan…… na nasasaktan kita. Kasi Mahal mo ‘ko, pero ako, hindi na.
-Sobra na kitang nasasaktan… Pati s’ya.
-Kaylangan ko ng panahon para makalimot sa nagawa mong kasalanan sa’kin……. at ang style ko ay gumawa rin ng kasalanan sa’yo. BWAHAHAHA!! (Sabihin habang may hawak na malaking tinidor)
-Aantayin kong mawala ang galit mo at mapatawad mo ‘ko…….. pero habang nag-aantay party party muna ‘ko dito, lam mo na have fun, flirt flit lang with some boys/girls. Pero nag-aantay ako. Medyo tagalan mo ha?

Minsan kasi hindi natin sinasabi ang tunay na rason kasi ayaw natin makasakit. Tama bang excuse ‘yon? Hindi ba mas masakit para kay Super Mario na umasang babalikan mo pa yung pinause mong game sa kanya, ng hindi n’ya alam na humaling na humaling ka na sa DOTA? At eiw at jurasic na ang tingin mo sa family computer?

Kung talagang may pagsisisi, kung talagang may pag-asa pa, kung talagang umaasa kayong kayo padin sa dulo, bakit kaylangan pang maghiwalay? Bakit kaylangang pairalin ang pride, ang katamaran at iasa sa tadhana ang muling pagpadpad ng labi mo sa kanya? Kung susugal din lang sa tadhana, bakit pipiliin pang gawin ng magkalayo kung kaya naman palang sumugal ng magkasama kayo? Kung mahirap ang sitwasyon, hindi ba mas madali yun ayusin ng magkasama? Hindi ba mas madaling sabihing tulungan mo ‘kong ayusin ‘to, turuan mo ‘kong patawarin ka, kesa magpaasang KUNG KAYO, KAYO TALAGA?

 

Hindi pa Uso ang Pepeshorts, Mahal na Kita

Title ‘yan ng dapat gagawin kong post dito. Napaka random ng pakiramdam ko. Parang lumilipad ang isip ko. Wala lang gusto ko lang magkwento. Ang dami kong nakalinyang isulat dito kaso pinipigilan ko yung sarili ko. Pinipigilan ng katamaran? Baka naman masyado lang akong naging busy etong mga nagdaang araw kaya hindi ako nakasulat. Hmmmm. Ano  bang mga ginawa ko? Easy lang naman sa office, kahit sabaw yung boss ko. Hehe.  Sa mga nakalipas na araw medyo naabala ako ng panonood ng Doraemon, Conan, Yakitate Japan, Kuroko’s Basketball at Dragon Ball Z Kai.  Laging nasasakripisyo ang oras ng ligo ko dahil dyan sa mga yan. Yung dati kong 5 minutes na pag ligo naging 1-2 minutes nalang. Kasama na yung pagbihis. Ano pa bang pwedeng maging dahilan? Ahmmm.. Lam ko na, pumunta punta nga pala ‘ko sa bangko. Medyo nainspire kasi ako mag-ipon, tapos ayun maraming bagay na dumating kaya lumaki ng lumaki yung ipon na kelangan ng buhayin ko yung dalawa kong Account na ilang buwan ding inamag. Wahahah sige hold up-in n’yo na ‘ko. Nung Sabado nga pala nagpunta kami sa kasal. Pangalawang kasal palang yun na napuntahan ko. Naku sirang sira na talaga yung pangarap ko na unang kasal na pupuntahan ko ay ang kasal ko. Wala na, sira na. Pero nag enjoy ako dun kahit medyo nainip ako kasi ang haba ng seremonyas. Tinapos kasi naming hanggang sa reception. Ayun mga 10 hours kami ata dun. Hehe, kasama byahe. Excited na nga din pala ako sa PULP Summah Slamm’n! Woohooo!! Sa Sabado na pala yun. Namili ako ng mga damit nung Linggo,hindi naman ako nakabili ng susuutin ko para sa PULP. Yaan mo na nga baka mag boxershorts na spongebob nalang ako. Hohoho!!  Kumakain din pala ng oras ko yung pag-aaral ng keyboard. Masyado akong natutok na paghawak ko ng gitara, parang wala na ‘kong kalyo. Pwede pala talaga yun? Pati yung process na ginagawa dun sa dentist, pabalik balik ako, nakakangilo at nakakangilo din ng bulsa. Namimiss ko din si Shadow. Tapos yung bago kong ginagawang blog pwera dito sa mayumi18 yung “Your typical no ordinary love” mejo naaliw din akong gawin.  Mga blogs ko yun tungkol sa babaeng gusto kong makasama habang buhay. Eeeeeee…. !

Napakawalang kwenta ng mga pinagsasabi ko sa post ko na ‘to. Wala naman talaga ‘kong balak magsulat o ano pa man. Gusto ko lang magkwento. Ilabas yung mga kaabnormalan sa utak ko. Sa mga susunod na araw, magiging maingay ulit ako dito, parang sasabog yung utak ko sa dami ng gusto kong isulat, sa dami ng tanong ko, sa dami ng obserbasyon, sa sooooobarng pagkarandom ko netong mga nagdaang araw. Kasalanan ‘to ng init ng sikat ng araw eh

Natuto Akong…..

Natuto Akong Magpasalamat

 

Kahit pala nakakabadtrip yung boss ko. Kahit feeling ko hindi nakakayaman yung sahod ko. Kahit parang paulit ulit nalng yung ginagawa. Kahit naiinis akong  five times a week ang pasok (Pangarap ko kasi 2x a week lang eh, 3hrs a day), kahit may mga kaopisina akong Bella Flores ang peg, dapat padin akong magpasalamat. Marami palang tao na nahihirapan maghanap ng trabaho. Napapagod , pinagpapawisan, napapahiya sa mga interview. Marami palang hindi na nagawang isipin pa ang pagyaman, dahil ni hindi mapagkasya sa pampaaral sa anak nila yung sahod. Marami pala, nagtatrabaho sa walang bubong, sa walang aircon.

 

Natuto Akong Magpatawad

 

Kahit pala may mga manloloko. May mga nanlalamang. May mga nagta-take advantage lang, mas masarap parin ang magpatawad. Lalo ka lang matatalo kung hindi ka makakalimot sa nakaraan. Nakakapagod palang ilista sa diary mo lahat ng ginawang masama sayo ng isang tao. Nakakapagod palang manumbat,nakakapagod palang manghinayang sa pagtitiwalang binigay mo. Kung magpapatawad ka, mas madaling humakbang pasulong, mas madaling tumalon, mas madaling kumembot (huwat?)

 

Natuto Akong Umunawa

 

Hindi pala lahat ng tao ay kagaya mo, kagaya ko, kagaya  nila. Kanya kanya pala tayo. Hindi pala lahat kumakain mahilig sa chichacorn. Hindi pala sapat na husgahan mo ang isang tao dahil lang sa pananamit n’ya. Hindi pala sapat na ilabel ang isang tao dahil lang sa nakalipas n’ya. Hindi sapat na sabihin mo ka’gad na hindi mo makakasundo ang isang tao hanggat hindi mo pa s’ya nakakasama.

 

Natuto Akong Magpalaya

 

Okay lang na umiyak ka, magwala ka maghandusay ka sa kalsada kapag nalaglag sa imbornal laruan mo – KUNG BATA KA. Natutunan kong dapat pala marunong din tayong magpalaya. May mga bagay na talagang hindi para sa’tin. May mga bagay na talagang hindi nakakabuti sa’tin. Minsan napapagod din tayong ipagpilitan ang sarili natin sa iba, minsan kaylangan mong huminga, yumuko, at sumuko. Titig na titig ka sa magandang babaeng katapat mo sa jeep. Buong byahe hindi mo napansin katabi mo na pala si Angel Locsin, sayang naman. At tsaka may mga tao talagang ayaw sa’yo at mas gusto sa IMBORNAL.

 

Natuto Akong Manindigan

 

Hindi porket sinabi ng iba, ginagawa ng madami, uso ay gagawin mo na din. May mga bagay na hindi para sa’yo, may mga bagay na pang sa kanila lang. Wala akong bisyo (babae lang, chos!). Kahit umiinom ang karamihan sa mga katropa,kahit  maraming baduy ka dahil iced tea ang iniinom mo habang tumutugtog kami sa mga bar, ok lang. Kanya kanya lang talaga ng trip ang mga tao.  Laging sermon nga ng matatanda, kapag ba tumalon sila ng building tatalon ka din? Kapag kumain ba sila ng pupu, kakain ka din? Kapag ba nauso ang AIDS, maiinggit ka? Pero hindi mo na kaylangang ipagyabang pa, o ipagsigawan sa buong mundong may ginagawa silang hindi mo ginagawa. Sapat ng tumanggi ka, at maggalangan kayo sa mga bagay na hindi n’yo mapagkasunduan

 

 

Natuto Akong Makinig

 

Hindi pala lahat ng sinasabi ko ay TAMA agad. Hindi pala kabaklaan yung pakikinig din sa opinyon ng iba. Hindi pala nakakabawas ng pagkatao yung tumahimik ka kahit isang minuto at unawain yung sinasabi nila. Hindi sa lahat ng pagkakataon maasahan mo ang utak mo, ang puso mo. Hindi sa lahat ng pagkakataon, nakakagawa ka ng matinong desisyon, ng panghabang buhay na pangako. Noong bata ako  (grade 2)sinabi ko papakasalan ko si Jolina Magdangal. Kung hindi ako nakinig sa payo ng nanay ko na tigilan ang paghithit ng katol at naniwala akong si Jolens nga ang babae para sa’kin, baka chumuchuva chuchu nadin ako ngayon. Kitams?

 

Image