Isang Taon ng Pagba-Blog

Nasa elementary palang ako mahilig na ‘kong sumulat. Linawin ko lang ha. Sumulat HINDI magsulat. Nagsimula ako sa paggawa ng mga essay na pinapasa sa Linggo ng Wika hanggang mauto ng kapatid kong gumawa ng komiks. Oo komiks kahit hindi ako marunong magdrawing. Ilan sa mga nagawa ko ay RARE ROBOT, BASUBOT (Ang Basurang Robot), at Super T. Binabasa yan dati ng mga kaibigan ko at kaklase. Hindi ko alam kung natutuwa sila sa istorya o nalalaftripan lang sila sa drawing ko.
 
Mula grade 5 hanggang second year highschool ay school journalist ako. Kung nakakuha man ako ng award, pera, o papuri sa pagsusulat eh hindi na importante pang banggitin dito. 
Basta marami akong natutunan. Natuto akong gumawa ng balita, lathalain, mag interview ng mga tao (syempre, hirap naman kung hayop) at magangas angasan sa editoryal. Natutunan ko din ditong magsulat kahit alam kong wala namang bumabasa ng mga sinusulat ko. hehe!
 
Sa pagsusulat sa school ko naranasang mailagay ang pangalan sa isang tula  na  HINDI naman ako ang sumulat. Pero doon ko rin naranasang ibang pangalan ang ilagay sa kwentong AKO ang gumawa. Naisip ko pagtagal, hindi ako para sa ganoong circus. Nagquit ako, iniwan ang dyaryo pero hindi ang pagsusulat.
 
Doon ako natutong magsulat para sa mga program sa school,magsulat para sa mga output sa Filipino at magsulat sa CR ng boys ng “Edgar loves jophel”. 
Hindi ako tumigil magsulat. Sa katunayan, sa pagsulat nga ng love letter at tula ako dati nagpapadama ng wagas na pag-ibig sa mga kababaihan eh. haha. Oo, hanggang ngayon, makaluma padin ang style ko.
 
Natuto din akong sumulat ng mga rap (yow),love song (pogi!), Metal (groooooarrwl) at christian song (amen!). Walang hanggang pagsusulat, ang dami kong natutunan pero malayo parin sa pagiging mahusay.
 
 
College ako nung nagtry ako sumulat ng nobela. Tungkol sa magkapatid na babae, sina  Malaya at Mayumi. Nainlove sila sa isang lalake at naglive in silang tatlo. haha pwedeng pang X rated. Ayun hindi ko natapos.
 
Bigla nalang, nakahiligan kong magsulat ng walang sinusunod na pamantayan. Basta sinusulat ko lang yung sa tingin ko makakatulong sa iba, sinusulat ko lang yung gusto kong sabihin, nagkwekwento lang ako ng karanasan, ng pangarap, ng obserbasyon at lahat ng pwedeng isulat. Mas masaya pala sumulat ng ganon.
 
Fast Forward
 
Sa impluwensya ng mga kaibigan na mga sumusulat din at ng isang kaibigan sa office eh nasimulan ko yung pagpost ng blogs dito sa wordpress. Ginamit ko yung mayumi bilang pangalan. Pwedeng sabihing pampam kasi pangalan ng babae pero gwapo pala yung author.hoho! Sorry, mejo nainspire lang ako kay lola basyang (kung di mo alam na lalake si lola Basyang, pwede ka ng uminom ngayon din ng panglinis ng silver,magboluntaryong sunigin ang sarili sa impyerno). At si mayumi kasi  yung favorite character ko sa unang nobelang ginawa ko (di pa tapos).
 
Sobrang napapasaya ako ng pagsusulat ng blogs. Konsulasyon nalang kung may mga pumupuri, nagagandahan at nag-eemail sa’kin. Oo masaya yun at ang lakas maka john  lloyd para sa’kin pero seryoso ‘ko pag sinasabi kong  ayaw ko ng kasikatan. Kasunod kasi ng pagsikat ay pagkalaos. Masaya na ‘kong magawa ng libre yung bagay na nagpapasaya sa’kin.
 
Isang taon na buhat nung nagsimula akong magsulat dito. Nasulat ko na yung about sa kamatayan ko, sa mga nakita ko sa Cubao, paborito kong almusal at karamihan tungkol sa pag-aaral at buhay estudyante. Masayang balik balikan yung mga nasulat ko na dati. Para ‘kong natututo ulit at natatawa ulit  ako  sa mga kalokohan ko dati.
 
Huwow !!!   Isang taon na pala ‘kong nagbo-blog dito.
 
Sa lahat naman ng naging inspirasyon ko sa pagsusulat dito, mga nangengganyo sa’king  magpatuloy , Sa lahat ng mga pumuri (parang wala naman) at nanlibak sa mga gawa ko, sa mga nagshare sa mga social networking sites,  nagpabasa sa mga kaibigan, sa nanay, sa tatay, sa ate, sa kuya gusto ko ng kape,sa bibe, sa kalyo, sa sewing machine at nagpost ng mga durang pinost ko as their status sa fb, at sa lahat  ng nakidaan sa page ko  sa loob ng isang taon , SOLOMOT!!! 
 
Susulat pa ba ‘ko? Oo. Sana makapagsulat  ng mas madalas. Sana kayanin kong malabanan ang katamaran. Nang mapagpatuloy ko ang pag apply ng natutunan ko nung elementary – ANG MAGSULAT NA PARA BANG MAY BUMABASA NG MGA SINUSULAT MO KAHIT WALA .

Sa Pagpasok Mo sa College

 

 

Teka. Bago mo gawin yung pinaka unang hakbang ng paa mo papasok sa University, buntong hininga muna. Yung malalim na malalim. Mas malalim pa jan. Yung tipong magpapa x-ray ka. Ok na? Ngayon, sabihin mo sa sarili mo. TATAPUSIN KO ‘TONG COLLEGE!!! Whew!!
Yown. Pweda na!
Nasa huling kabanata ka na ng pag-aaral. Kung baga sa Super Mario, Andon ka na sa Level 8-1. Apat na lagok nalang maliligtas mo na ang prinsesa. Mejo may skills ka na at may napatunayan na ng matapos mo yung highschool. Pero syempre, bawal magpetiks, habang tumataas ang level, pahirap ng pahirap, kaya dapat sa kolehiyo, determinado ka. Walang pag-aagam agam. Dahil ang buhay kolehiyo ay isang malaking night club- maraming tukso. haha
Maaaring maculture shock ka. Kakaiba na ang pananamit, kakaiba na ang mga teacher, kakaiba na ang grading system. Kakaiba na ang schedule, may pasok na ng sabado at minsan maging linggo. Kakaiba na ang ginagamit na prinsipyo, Kakaiba na ang mga subject,  hindi katulad nung elementary na english,filipino o math lang ang subject. Sa college meron ng psychology (nakakabaliw), logic (nakaka-aning), steno (nakakahatching) at kung ano ano pa. Wag kang matakot. Isipin mo nalang, na nakadisenyo kang magsurvive sa kahit na anong sitwasyon dahil tao ka. OO, lahat tayo, maging yung kaklase mong mukang gorilya.
May mga kaklase kang magiging hobby ang mag drop ng klase. Yung iba kasi madaling sumuko. Maaring magkapuwang sa isip mo na gawin din ‘yon at makasanayan. Ang akin naman, walang problema dun kung talagang di mo makasundo yung oras o kaya yung teacher mo. Pero hanggat maari ay pilitin mong huwag mag drop o di kaya ay bumagsak. Kapag nangyari ‘yon, kakaylanganin mong mas maging determinado. Magiging kalat kalat na ang schedule mo. Malalayo ka na sa mga kaklase mo dahil kakaylanganin mo ng magtake ng subjects sa ibang sections. Iba na din ang vacant mo, mararanasan mo ng kumain ng mag-isa, tumulala sa kalawakan at mag-dota mag-isa. corny na.
Kung hobby ng mga estudyante na magdrop, part time job naman ng ilang mga teacher na mambagsak. Siguraong may makakatapat kang isa o higit pa sa kanila. Mga King kupa na hahadlang sa pagligtas mo sa prinsesa. Kung bumagsak ka, ok lang yan, pilitin mong bumangon. Isipin mong natinik ka lang. Kung bumagsak pa ulit, isipin mong nauntog ka lang. Hanggat kaya pa, wag kang titigil. May mantsa ka man sa transcript, ang mahalaga, natapos ka. Kung mahirap talaga ang subject at di mo kaya, lagi mong tandaang minsan naipapasa tayo ng TSAMBA at AWA, pwera pa jan ang KOPYA. hahaha
Maaari rin namang tirahin ka sa mga bagay na personal. Yung below the belt na. Yung tipong mapapamura ka na sa pasakit sa’yo at parang ayaw mo ng ituloy yung putik na pag-aaral na ‘yan.
College ako ng mawalan ng trabaho yung tatay ko. Nasa abroad yung nanay ko  pero naloko naman sa pasahod. Pumalya yung buy and sell business. Nawalan ako ng minamahal, namatayan ng kaibigan at Ilang araw nalang bago yung graduation day, nasunog yung bahay namin. Sunog lahat. WOWOWEE!!!!!
Pero dapat professional ka. The show must go on. May mga panahon na hati nalng kami ng gf ko sa baon  n’ya. (haha) oo as in hati sa pera, or hati sa ulam, hati sa kanin. Hindi ko alam kung totoong mahina s’ya kumain o nagkukunwari lang para siguro hindi ako mahiyang makihati. Gusto ko na nun bunutin lahat ng ngipin ko pati kuko, nakakababa ng pagkatao, nakaka badtrip na nakakamatay pero kaylangan eh mapapauntog ulo ka nalang talaga sa pader.
Ayon sinuwerte ng konti, natanggap sa trabaho pagkatapos nung second year. Naging working student. Sa school sa umaga, sa office sa gabi. Pwede na, nalampasan ko na, mejo nakakabawi na ‘ko. AKALA KO!
Isa pa sa pwedeng makapigil sa pagtatapos natin ay yung trabaho mismo. Nagkalat na yung mga part time job, pwede sa fastfood, sa opisina, sa BPO at kung saan saan pa. Maraming magandang offer. Maiisip mo tuloy ” trabaho na ‘to eh mahirap palagpasin, makakapag-antay  naman yung pag-aaral”. Tama ka do’n. Pero marami pa naman trabaho jan. Maaaring makakuha ka pa ng higit na magaganda kung itutuloy mo yung ilang taon para makapagtapos.
Noong mejo stable na yung trabaho ko at kumikita na, tinamad na ‘kong mag-aral. Ginusto kong huminto “muna” pero hindi ko tinuloy. Kahit puyat palagi sa klase at rushed lahat ng projects pinilit ko padin. Hehe! tipong matapos lang, tipong may mapasa lang. Gano’n katsamba yung paggraduate ko. Buti nalang anjan yung mga katropa, kahit lokoloko sila, siguradong tutulungan ka nila. Insipirasyon din sila, dahil sa gusto mong sabay sabay kayong grumaduate at ayaw kong mapag-iwanan, tinuloy padin namin yung college.
Halos 50 kami sa klase nung nung unang araw ng klase. Nagtapos kaming halos 30 nalang. Iba iba yung naging dahilan ng mga umalis at nawala. May namatayan ng tatay, mayroong pinili ng mag-asawa, may mga nabuntis, may mga wala ng pang-aral, may mga  napagtripan ng teacher, may namundok  na, may sooooobrang nainlove at hindi na pumasok, may nagkasakit, may sumakit yung ngipin,  may nagka kuliti at merong mga napagod nalang talaga sa pagkuha ng KABANALBANALANG DIPLOMA.
Maaring makaharap mo yung mga nakaharap namin, maaring may makaharap kang mas matindi pa sa kuliti at  maaaring maging mahirap pero ituloy mo lang. Magulo man at parang hindi mo na kaya, tandaang merong kabote para palakihin ka, merong bulaklak para bigyan ka ng apoy na panira at merong bituin para hindi ka tablan ng mga kalabang ng ilang segundo.

Graduation Day Scenery

Wow!  Buntong hininga, nanlalamig na katawan, mabilis na tibok ng puso, naluluhang mata.  Graduation day na.

 

Huling araw mo na sa eskwelahan, tapos na ang hirap.  Wala na ang review, rushed assignments at case study.  Wala na ang mga role playing practices, sabayang bigkas at group works.  Makakalaya ka na sa mga teroristang teachers, mahabang pila ng enrollment, isang tambak na projects at mababahong kaklase.  Sobrang saya diba? PERO BAKIT MALUNGKOT KA?

 

Malungkot naman talaga diba?  Oo, simula ito ng bagong chapter ng buhay mo pero alam mo rin na marami ang maaaring matapos dahil dito.

 

Huling pagkakataon mo na para makita si crush no. 1, crush no.2, crush no.3 hanggang crush no.27.  Puwera pa diyan sila crush 1-59 sa ibang section.  Ilang minuto nalang at magkakahiwalay na kayo ng mga kaibigan mo.  Maaalala mo na ang mga sandaling nagtawanan kayo, nagtulungan, nagkopyahan, nag-inuman, naghalikan, nagdilaan at naghipuan.hehe!!

Aalalahanin mo na kung pa’no nga ba kayo nagkasama-sama.  Saan nga ba nagsimula?

 First day ba ng klase?  Mahirap ng maalala.  Basta alam mo hindi kumpleto ang apat na taon mo sa pag-aaral kung wala sila.

 

Teka, tumutugtog na ang graduation march, kaylangan na mag martsa.  Tahimik ang kapaligiran, walang imik pero ang utak mo, “palengke”, maingay.  Nakatingn ka kay favorite teacher.  Nasa isip mo “paalam ma’am, salamat sa lahat ng tinuro mo”.  tumingin tingin ka pa sa paligid, marami kang nakita.  Senti ka na talaga. 

 

                              “Paalam mga kaklase hindi ko kayo malilimutan

                               paalam puno di na kita masisilungan

                               paalam lupa hindi na kita maaapakan                               paalam paaralan… paalam… PAALAM”

 

Mabagal ang ritmo ng graduation song pero mabilis ang tambol sa puso mo.  Excited ba ‘ko?  Pero bakit parang ayaw kong tumayo?

 

Dahan dahan ang paglakad, nakapila kayo, abot kamay na ang tagumpay.  Gusto mong sumigaw!!!

 

Tinawag ang pagnalan mo, kinamayan ka, humarap sa mga tao… BOOOOOOOM!!! tapos na eto na yun!!

 

                               “Farewell to you my friend we’ll see each other again

                                dun bari diri dam dibam bon Everything”.

                                            (di ko pala alam lyrics)

 

AFTER THE CEREMONY

 

Yakapan, iyakan, yakapan, iyakan.  Lahat ang-uunahang makayakap sa muse ng klase.  Para maka-tsansing, iiyak ang mga lalake kung kinakaylangan. Kahit hagulgol pa.  Pustahan pa tayo.

 

Gusto mong yakapin ang EX mo pero di mo magawa kasi nakairap si GF or BF.  Sayang gusto mo lang naman sanang magpasalamat dahil naging parte siya sa paglago mo bilang tao, bilang estudyante

 

The night’s still young pero kaylangan nang mag-uwian.  Big hug sa huling pagkakataon.  Nagawa natin.. tagumpay tayo.  Sana huminto ang panohon.  Kung pelikula ‘to, sana dito na matapos.

 

**************************

 

Masaya talaga ang graduation day pero may halong lungkot, may halong takot.  Kung nai-video lang sana ang lahat ng nangyari sa’yo sa eskwelahan mula kinder ka pa, ang sarap sanang panoorin.  Happy ending na, ikaw pa ang bida.

 

Laha tayo ga-graduate.  Hindi man sa eskwelahan, gagraduate din naman tayo sa buhay.  Walang nakakaalam kung kailan.  MInsan naiisip ko, kaya ba naka puti o kaya itim ang mga gumagraduate ay dahil nagluluksa sila?  Bakti hinahagis ang sumbrero?  Bakit ang mga lalake, nakapalda??

 

Sa inyong lahat

 

CONGRATULATIONS, PALAKPAKAN

Hindi Tayo Mas Mababang Uri

Dati merong game sa showtime na hindi ko alam ang tawag. Basta si vice ganda aarte s’ya para idescribe yung mga words na huhulaan ng contestant. Maganda yung game na ‘yon, nakakatuwa. Madalas na naglalaro dun ay mga masa, tinatawag sila nila vhong sa pangalan nila.
 
Halimbawa: Pedro, merong kang isang minuto para hulaan yung word ni vice.
 
Kung mejo matanda ang contestant, tatawaging manong or manang o kaya nanay, tatay or kuya o kaya ate. Malambing sila at may pag galang.
 
Kaso ang epic fail, isang beses, ang napiling mag laro ay isang dayuhan. isang amerikano. At ang nakakatawa, lahat ng tao doon, ang tawag sa kanya ay “SIR”. Bakit sir? bakit sir? bakit sir? pwede namang Mister, or first name basis nalang.
 
*
 
Hindi ko maintindihan kung bakit tayong mga Pinoy e hindi na mapakali yung pwet kapag meron tayong mga kaharap na dayuhan. Hindi na tayo makapag salita ng maayos, hindi na tayo makatingin ng deretcho at hinahayaan natin silang mag-astang hari at amo sa sarili nating bayan. Oo naiintindihan kong magagalang tayo at mapaganyaya pero iba na ang napapansin ko. Nakikita kong mababa ang tingin natin sa sarili natin, at mataas ang tingin natin sa sinumang taong hindi mukhang Pilipino.
 
Ang mga taxi drivers ay nilalampasan ang paseherong Pilipino kapag may nakitang dayuhang nag aabang din ng taxi. Ang mga babae ay tinuturing na karangalang bastusin sila ng dayuhan (feeling nila ang gondo gondo nila dahil pinagtuunan sila ng oras na bastusin ng mga manyakis na banyaga). Tayo ay nagsisipagyukuan at hindi makatingin ng derecho kapag may kasabayang hindi natin kalahi.
Ba’t ganon?
 
Oo mas matangkad sila, mas maputi, hindi itim ang mata, maaaring mas mayaman ang ekonomiya at pink ang niples nila habang tayo brown. Pero hindi ibig sabihin nun na mas mataas na uri ng tao na sila sa’tin. Pareparehas tayong nangangaylangan ng oxygen at tubig para mabuhay.
Umiihi ba sila ng gasolina? amoy jovan ba utot nila? Pwede ko bang gawing chocolate cake ang tae nila? yumyum!!
 
 Kaya siguro hindi tayo sineseryoso at ginagalang ng ibang bansa ay dahil tayo mismo mababa ang tingin natin sa sarili natin. Ano mang galing sa ibang bansa ay ipinapalagay nating mas maganda o mas magaling kaysa sa’tin. Ang damit na galing ibang bansa, mas sosyal. Ang pagkain sa kainang nagmula sa Italy, mas gusto nating kainan (kahit hindi natin gusto yung lasa, makapagyabang lang). Ang mga kanta ng dayuhan, mas tinatangkilik natin kahit wala tayong naintindihang lyrics bukod sa “baby” lang. Sapat ng rason na hindi PINOY ang kumanta para magustuhan natin. Ang media, ang mga patalastas, pinaparamdam sating hindi mataas na uri ang maging Pilipino. Gawin nating America ang Pilipinas para cool tayo.
 
 Naguumapaw tayo sa kagalingan, kabayanihan, kagandahan, likas na yaman at kalokohan (hehe) pero dahil pango ang ilong niyo este natin takot na tayong makipagsabayan?
 
Basta hindi tayo mas mababang uri. TAPOS! Nilikha tayo ng Diyos na pantay pantay. Ang mga bituin ay gabay lamang, meron tayong freewill, gamitin natin ‘to. (ano daw?)

ALMUSAL

Mula pa noong bata pa ‘ko nakasanayan ko na talaga yung gumising ng maaga. Gusto ko naririnig ko yung mga nagwawalis sa umaga, naamoy ko yung usok nung mga sinisigang dahon pati naririnig ko yung mga huni ng ibon. Favorie part of the day ko talaga yung umaga, at ang pinaka paborito kong gawin sa umaga ay mag-almusal.

 

Hindi ko maintindihan kung bakit may mga tao na hindi nag-aalmusal, kasali na dyan yung tatay ko. Para sa’kin, ok ng hindi maghapunan, basta dapat makapagalmusal ako ng bigstime. Sabi nga ng teacher ko nung grade 4, almusal daw ang pinaka mahalagang meal sa buong araw.

 

Champorado, suman, pandesal, ensaymada, pansit, monay, itlog, maling, sinangag, kanin at deep sea (oo yung chichiria) ang mga paborito kong almusal. Kahit malayo ang lakarin ko para makabili n’yan, kahit puyat nung gabi, maaga parin ako gumigising para lang makapag foodtrip sa umaga. Alam kong simple lang ‘yang mga pagkain na trip ko pero iba talaga yung sayang dala ng almusal para sa’kin. siguro nga ang almusal ay ang nagsisilbing celebration ko dahil nagising pa ‘ko mula sa pagkakatulog. Isang paghahanda sa isang buong araw na puno ng pagsubok at paghamon.

 

Madalas akong walang kasabay mag-almusal. Sa bahay namin, maaga nga gumising ang mga tao, mga ayaw naman magsipag kain. Yung mga katropa ko naman tanghali na magsigising palagi. Nakasanayan ko na ‘yon at nananatili akong deboto ng almusal, haha!

 

Pakiramdam ko ang sarap ng feeling na may kasama kang nag-aagahan. Sabay kayong nagpupungas pungas, nagsasawsaw sa kape at nagkukwentuhan ng mga panaghinip nung nakaraang gabi habang nanonood ng last x rated movie sa PBO.

 

AFTER GRADUATION NALAMAN KONG….

Nalaman kong pwede palang sa mismong araw ng graduation mo eh madebit yung pera mo sa ATM na tatagal mg 5-15 working days bago maibalik. Kaya imbis na magtaxi ka pauwi at magcelebrate after graduation ay mag ba-bus ka nalang at kakain ng hilaw na mangga sa bahay

Nalaman kong hindi pala pagka graduate ay magkaka laptop, kotse, bahay at lupa ka na kaagad. Hindi pala yun kasing dali katulad nung iniisip ko nung nag-aaral pa ‘ko.

Nalaman kong dapat pala mas inenjoy ko yung mga time na may mga lakad kaming magkakaklase. Pagkatapos pala kasi ng graduation at may kanya kanya na kaming trabaho,kahit gustong gusto naming magkita hindi parin magawa dahil iba-iba na ang schedules lalo na ng mga batang BPO agents. Promise hahanap hanapin mo yung mga time na magkakasama kayo sa trip at lakad kahit bente lang laman ng bulsa n’yo.

Nalaman kong pangmatitibay na tao pala ang mundo sa labas ng eskwelahan. Halos bawal na pala ang magkamali. Dati kapag nagloko ka sa school, may nagawang mali,naging loko loko at nagnakaw ka sa tray n’yo sa recess, ang maapektuhan lang ay yung pagiging estudyante mo. Pwede kang bumawi hanggat nag-aral ka pa o kaya papatawag lang nanay mo kapag nanilip ka sa kaklase mong malaki ang boobs. Pero pagkagraduate, bawat maling desisyon ay makakaapekto sa buhay mo. Hindi lang basta kukumpiskahin ang id mo kapag nandaya ka sa timecard sa opisina. Sibak ka, tanggal ka sa trabaho at maaring maging trademark mo na yun habang buhay.

Nalaman kong mas mapanghe ang mga cr sa university kesa sa opisina. Pero promise walang tatalo sa panghe ng cr ng highschol.

Nalaman kong dapat lang na tumulong ka sa mga magulang mo kapag nagkatrabaho ka na. Hindi ko maimagine kung ga’no sila naghirap para lang makapagtapos ako. Ilang taon palang akong nagtatrabaho at wala pang masyadong intindihin sa buhay  pero halos magpatiwakal na ‘ko sa pressure ng tunay na buhay at ng trabaho. Pa’no pa kaya sila na 17 years nagtiis sa pagbibigay sa’kin ng baon, bukod pa sa mga hinihinging babayaran sa schools na guniguni ko lang naman.

Nalaman kong totoo palang may kabang kaakibat ang pagtanda. Boboto ka na, maghahanda sa pagpapamilya, bibili ng mga investments para sa hinaharap. Pero kung hindi ka gaanong pinalad? Pa’no kung hindi naging gano’n kaganda yung tiyempo ng diskarte mo? Mahirap magkunwari na hindi ka takot mapagiwanan ng mga kabatch mo.

Nalaman kong nakakakilabot palang bumalik sa eskwelahan mong pinagtapusan  makalipas ng isa o higit pang mga taon. Soooobrang kaba na hindi mo maintindihan. Parang bumabalik lahat ng alaala, parang maririnig mo ulit yung mga tawanan n’yo, parang nakikita mo yung sarili mong papasok sa isa sa mga classrooms, parang kahapon lang, parang babalik sa isip mo lahat ng nangyari, random at soobrang dami na  parang hindi kayang ihandle ng utak mo. Sabay matatapilok ka habang nagrereminisce at magigising sa katotohanang masyado ka ng madrama at nakakalungkot na hindi mo na maibabalik ang nakalipas.

Nalaman kong masyado na pala ‘kong maraming nalalaman at baka kaylanganin na ‘kong itumba ni TOTOY GOLEM.

Mula kay Mary para kay Justine

Lagi kang nagagalit, lagi kang naiinis

Ikaw ang laging tama, ako ang laging mali

Bawal ang mangatwiran, ayaw mong nakikinig

Kapag nagsasalita ka, palaging may sakit

 

Pero lahat ay nagbago

Paggising ko niyakap mo ‘ko

 

Para bang nag-iba, naninibago na yata ako

Para bang tutunawin mo ako sa mga titig mo

Kay sarap ng umagang ganito

 

Hindi ka na nangaaway, laging hawak mo ang kamay

Hindi ka na sumisigaw, palagi lang malumanay

Ang sarap naman ng ganito, ayaw ko ng batiin pa

At baka umihip ang hangin at muli ay magbago ka

 

Para bang nag-iba, naninibago na yata ako

Para bang tutunawin mo ako sa mga titig mo

Kay sarap ng umagang ganito

 

Sabay tayong natulog, sabi mo mahal mo ‘ko

Pero pagkagising ko ayaw mo ng kumibo

Hinahagkan kita nakayakap ka lang sa akin

Pikit ang ‘yong mga mata at ayaw mo ng gumising

 

Para bang nag-iba, binibiro mo lang ba ako

Para bang kay bilis ng pag-ikot ng ating mundo

Sana ay ‘di nalang nagising kung magkakaganito

Pwede bang bumangon ka, at awayin mo nalang ako.

Mas gusto ko ‘yon kesa ganito.

Image

SELOS

Mga platong nagliparan. Mga punit na love letters. Basag na boses at panyong basa ng luha. Lahat ng ‘yan dahil sa SELOSsssssssssss.

Bawal magbura ng sent items, bawal makipag text sa iba, bawal umattend ng party, bawal mag suot ng short shorter shortest short. Dapat idelete lahat ng friends sa FB . Bawal makipag ngitian, bawala makipag kwentuhan, bawal umuwi ng 1 minute late, bawal kang magbanggit ng ibang tao sa kwentuhan n’yo, bawal huminga, bawal maging tao, bawal mabuhay, bawal mamatay,bawal ang pork, bawal umihi dito putol t*t*

Niligawan mo s’ya dahil sobrang ganda n’ya, maganda pumustura, maalindog manamit at talaga namang  napaka bango at kaigaigaya. Palakaibigan at malambing sa lahat tapos biglang ganito nung kayo na?: Dapat ang pantalon ay abot hanggang hinlalato baka masilipan eh. Dapat ang bra, limang patong para siguradong di babakat ang nips. Dapat  laging turtle neck para sure na hindi lalabas ang cleavangga. Dapat maging suplada na para wala ng kakausap sa’yo. Dapat hindi ka masyadong matalino para hindi mo ‘ko matalbugan. Pangit na mas matalino ang babae sa boyfriend n’ya.

Ba’t gano’n? Syempre dahil mahal ka n’ya ay taos puso s’yang susunod. Paglipas ng panahon, wala na s’yang social life, wala na s’yang kaibigan, napag-iwanan na s’ya ng mga kabatch n’ya at kaedaran, huli na s’ya sa uso, mapapangitan ka na sa kanya, magmumukha na s’yang matanda sa edad n’ya dahil sa pagsunod n’ya sa’yo at bilang ganti manlalamig ka sa kanya at maghuhumaling sa ibang mas maganda, mas maalindog at mas matalino.

Sabi nila nagseselos daw tayo dahil mahal natin sila. Siguro nga tama yun. Pero hindi bat dapat inaalayan din natin sila ng pagtitiwala dahil sa pagmamahal natin sa kanila? Dapat siguro sariling palo nalang nila kung gusto nilang mag turtle neck dahil iniaalay nila ng buong buong ang pagkatao nila sa’yo isama mo na ang top view ng cleavanga nila. Pwede siguro tayong makiusap imbis na mag-utos, pwede tayong makipag-usap  kesa makipag-away, pwede ding magtanong kesa mag-akusa, magtiwala kesa magduda.

Hindi Kay Asiong! Kay Totoy BAto Einstein

Hoy, Ako nga pala si Totoy Bato. Makinig ka pag ako ang nagsasalita dahil pikon ako kapag hindi ako pinakikinggan pero madalas akong nagtetext at nakatungo lang at walang pakelam kapag iba na ang may mahalagang sasabihin.

Alam n’yo tahimik lang ako at hindi nakikipag-usap. Pa suplado effect, kunwari harmless pero wag kayong mag-alala dahil sa isip ko eh sobra ng panlalait ang natatamasa n’yo. Pinagtatawanan ko na kayo, inaalipusta at minumura ng hindi n’yo pa alam. Lagi lang akong poker face.

Handa akong sa mga “makipagtulungan” kapag ako ang mapapansin at lalabas akong sikat pero kapag kayo na ang humingi ng tulong sa’kin, umasa kayong hindi ko kayo tutulungan dahil ako nga si totoy bato. Basta ako lang dapat lagi ang sikat! ok ako sa mga gano’n, no problemo!

Marami na sa’king nakipag kaibigan. Yung iba nilunok na yung pride at galit nila para mapaamo lang ako. Pero pekeng pakikipag kaibigan lang ang pinapakita ko sa kanila. Galit ako sa mga taong mas magagaling, mas matatalino at ehem mas gwapo sa’kin. Ayaw matatabunan ng lolo n’yo! este ni totoy bato.

Hindi ako nakapag tapos ng pag-aaral pero itinuturing kong bobo ang lahat ng tao. Pwede ba naman na mas tatalino pa sila sa’kin eh best in writing ako nung grade one? huh!! Einstein nga pala apelyido ko.

Sabi nila ang gwapo ko daw, sa tingin ko naman sobrang tama sila kasi nakaka dalawang syota na ata ako noh. isa nung kinder, tsaka isa yung napangasawa ko. Sobrang baho lang talaga ng hininga n’ya pero maganda yun, oo maganda yun, maganda. Basta maganda, ikaw ba naman ang ipaglihi sa fetus na inabort eh ba’t hindi ka gaganda.

Wala akong pakealam kung may mga lakad na hindi matuloy dahil hindi ako sisipot kahit nangako akong darating. Rockstar kaya ako at wala kayong karapatang magalit sa’kin kahit na naabala kayo, napagastos, napuyat at nagkasakit. Alam ko naman na basta magsorry ako (sa text lang ha? sobra na kayo kung personal pa gusto n’yo) mapipilitan kayong patawarin ako, dahil mababait kayo at ang sarap abusuhin no’n.

Huwag na huwag n’yong hihiramin ang mga gamit ko kahit mga alikabok sa bahay namin. Hindi porket nanghiram ako dati sa inyo ng laptop (nung trip ko mag fb), ng pantalon (yung bagong bili mo palang at gusto ko ako unang makagamit dahil naiinggit ako) ng deodorant (isang buwan na kasi akong hindi nakakagamit eh) ng brief (nung napaipot ako tapos kong makikain sa bahya n’yo ng ulam n’yong sapat lang dapat para sa pamilya n’yo) eh may karapatan na kayong hiraman din ako. Dapat nga magpasalamat ka pa dahil minsan kong hiniram yung toothbrush mo para ipagamit sa asawa ko dahil mag e-emcee s’ya sa birthday party ng anak naming mukhang aligator.

Alam n’yo, pansin ko naman ang lahat ng kabutihang ginagawa n’yo sakin eh. Kaso, ano’ng magagawa ko kung ganito ko? Ganito na ‘ko na buhay, ganito na din ako mamamatay! Mahalin n’yo ‘ko kung pa’no n’yo ‘ko nakilala, wag kayong maarte! Choosy pa kayo? Madali lang naman akong pakisamahan wag kayong mag-alala. Basta lagi n’yo lang akong pupurihin,kada segundo! Laging ako lang ang pinakagwapo. Lagi n’yo lang akong gagawan ng pabor at wag kayong aasa na pasasalamatan ko kayo o kaya gagawan ko din kayo ng mabuti bilang ganti. Dapat tanggapin n’yo lang sa sarili n’yo na ako lagi ang angat kesa sa kahit kanino sa inyo. Gano’n lang simple lang, magkakasundo tayo.

O teka tapos ko na ipakilala sarili ko, ang bastos mo naman kanina pa tayo nag-uusap hindi na man lang nagpapakilala. Hoy, ano nga pala ulit pangalna mo? (Sabay mag-tetext, yuyuko, hindi makikinig at lalaitin sa utak ang kausap)

Paskong Wala Ka

Gusto ko sanang gumising ng madaling araw, kumain ng putubungbong/putobumbon/putobongbun (grrrr) at bibingka habang humigigop ng mapait na kape kaso wala ka.
Gusto ko sanang yakapin ka ng mahigpit habang kay lamig ng gabi. Sabayan ka sa pananaghinip at hagkan ka bago matulog kaso nasaan ka na ba?

Gusto ko sanang ikwento sa’yo ang mga nangyari sa party namin nung isang araw kaso mukhang hindi ka na interisado.

Gusto ko sanang ibalot ang regalong isang taon kong pinagipunan para iabot sa’yo kaso wala ka naman para magbukas.

Gusto ko sanang dumungaw sa bintana at panoorin ang mga nangagnaroling katulad parin ng dati kaso wala ka naman para mag-abot ng candies at tsokolate sa kanila.

Gusto ko sanang gumawa ng liham para batiin ka ng maligayang pasko katulad ng ginagawa natin sa mga nakalipas na taon kaso mukhang nagbago na ang gusto mo at hindi ka na kinikilig sa sulat at tula.

Gusto ko sanang lumabas at isama ka sa pamamasyal. Kaso masyado ka ng abala sa mga ibang bagay.

Gusto ko sanang sabay tayong kumanta ng mga awit na tayo ang gumawa. Pero mukhang pagod ka na, parang nalimot mo na ang kwentong nakapaloob sa bawat liriko ng mga kanta natin.

Gusto ko sanang hagkan ka at isayaw pagsapit ng alas dose. Kaso para bang ayaw mo na. Para bang nagbago na. Para bang ang lamig mo na. Kasing lamig ng hanging dumadampi sa’kin ngayong gabing hindi kita kasama.